Babaeng pulis, nanakawan ng motorsiklo sa Ilocos Norte

Diane Dy, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2017 01:16 AM

Ninakaw ang motorsiklo ng isang babaeng pulis na nakaparada malapit sa isang police station sa Ilocos Norte. Diane Dy, ABS-CBN News

ILOCOS NORTE- Isang babaeng pulis ang nanakawan ng motorsiklo noong Linggo sa bayan ng Badoc, Ilocos Norte.

Ayon kay PO1 Airies Jane Bondoc, ipinarada niya ang kanyang motorsiklo syam na metro lang ang layo sa kanilang istasyon.

"Pagkatapos ng duty ko alas-9 ng umaga, dun na ako nagulat at nawawala na pala ang motorsiklo," ayon kay Bondoc.

Sa imbestigasyon, madaling-araw ninakaw ang motorsiklo.

"Ayon sa testigo nakita niya ang dalawang lalaki, iyung isa nagmamasid, yung isa naman daw pinapaandar, pero ang akala niya sa kanila yung motorsiklo," ayon kay Senior Insp. Gregorio Oreiro.

Dagdag pa ng pulisya, maaring sinamantala ng mga magnanakaw dahil may okasyon sa bayan at napakadaming tao noong araw na iyon.

Lumalabas na hiniram lang ni Bondoc ang motorsiklo sa biyenan nito dahil nasira ang kanyang saksakyan.

Paniniwala ng pulisya na taga-doon lamang sa lugar ang mga nagnakaw, dahil ayon sa testigo ay lagi niyang nakikita ang mga ito.

Ito ang unang insidente ng carnapping sa bayan ng Badoc ngayong taon.