Pinagnakawan at pinatay umano ang isang 24 anyos na graduating college student ng hindi pa nakikilalang salarin sa inuupahan nitong kuwarto sa isang dormitoryo sa Dasmariñas City, Cavite nitong Martes.
Ayon sa Cavite Police Provincial Office, nagtaka umano ang land lady ng dormitoryo dahil hindi pa lumalabas para pumasok sa klase ang biktima.
"Naka-double lock ang kuwarto niya kaya pinilit binuksan na lang nung landlady kasi hinahanap na siya ng mga classmates niya sa school," ani PCol. Christopher Olazo, provincial director ng Cavite Police Provincial Office.
"Na-discover po siya ng hapon na kahapon, na-discover siya nung land lady nung dormitory around 4 p.m., dahil hindi lumalabas ang biktima sa kuwarto. So nung binuksan nakita na nga na ganun 'yung hitsura nung biktima."
Wala nang buhay ang biktima at puno ng dugo ang suot na damit nang matagpuan.
Tadtad din ito ng saksak at may nakapatong umanong unan sa mukha.
"Based doon sa medico legal, 'yung biktima nag-sustain ng 14 stab wounds in the different parts of the body. Ang pinaka-fatal niya 'yung saksak sa leeg, tapos meron siyang defensive wounds sa kamay tapos based naman sa examination ng kanyang genital hindi naman siya na-rape dahil intact naman 'yung mga damit niya," sabi ni Olazo.
Sa follow-up investigation ng Philippine National Police (PNP), kita sa CCTV na dumaan ang salarin sa rooftop ng katabing dormitoryo para makatawid sa second floor ng kanilang dormitoryo.
Dito na nakapasok ang salarin sa bintana ng biktima bandang ala-1 ng madaling-araw nitong Martes.
Nakasuot ito ng kulay asul na t-shirt, black shorts, black cap.
"May mga nawawala siyang gamit kaya inaano namin na robbery 'yung motibo sa biktima. Hinahanap natin ngayon 'yung paglabas niya, kasi sa ano namin yung mga dinaanan niya nung pabalik hindi na siya dun dumaan sa dinaan niya nung papunta siya roon," dagdag ni Olazo.
Patuloy ang pangangalap ng karagdagang ebidensya at CCTV footage ng mga awtoridad.
Nangako ang PNP na gagawin ang lahat para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.
"Hindi po tayo titigil hangga't hindi mahuhuli ang gumawa nito at mapanagot siya sa krimen na kanyang ginawa," ani Olazo.
Umapela rin ang PNP sa sinumang nakakakilala o may impormasyon sa pagkakakilanlan ng salarin na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
— Ulat ni Gracie Rutao
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.