PatrolPH

Mga trabahador umaasang 'di na maulit ang bangungot ng unang ECQ

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2021 07:24 PM

MAYNILA — Kasabay ng pagpapatupad muli ng mas mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region at mga karatig-probinsiya, todo-tipid ngayon ang mga construction worker at iba pang trabahador dahil sa takot na mawalan ulit ng trabaho.

Sabi ng foreman na si Venancio Portacio, ayaw na niyang maulit ang dinanas na bangungot noong isang taon sa unang pagpapatupad ng ECQ sa simula ng pandemya. 

Naipit kasi sila noon sa Parañaque City, at araw ang binilang bago nahatiran ng tulong.

Ngayong papatapos na ang kalsadang kanilang kinukumpuni sa Scout Ybardolaza sa Quezon City, kakailanganin nilang maghanap ulit ng mapapasukan.

Apat ang anak ni Portacio, 53.

Ang P3,000 niyong suweldo kada linggo bilang foreman, hinahati niya para sa pamilya na nasa Nueva Ecija.

"Pagkasahod, ibibigay yung P2,000. Maiiwan P1,000 pam-budget namin isang linggo."

Bilang pagtitipid, tuyo at noodles muna ang kanilang kinakain sa barracks.

Ang backhoe operator naman na si Dalty Deratas, 27, nahirapan pumasok sa trabaho nitong Lunes dahil sa pagpapatupad ng ECQ.

Wala daw kasi siyang agad na masakyang jeep mula Pasig papuntang Quezon City.

Sila rin, nagtitipid dahil bukod sa nagmahal ang presyo ng mga bilihin, sarado na rin ang canteen na kinakainan nila.

"Ngayon, nagluluto na kami dito sa barracks para makatipid-tipid."

Bago pumasok, bumibili na sila ng sardinas at noodles na maluluto para makatipid.

Tatagal ang ECQ sa "NCR plus" hanggang Abril 4, pero posible pa itong palawigin ni Pangulong Rodrigo Dutere para masawata ang mabilis na pagkalat ng COVID-19.

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.