PatrolPH

Magkakapamilyang galing sa resort, sugatan sa aksidente sa Aklan

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2021 02:07 PM

Magkakapamilyang galing sa resort, sugatan sa aksidente sa Aklan 1
Sugatan ang 4 na magkakapamilya matapos madisgrasya ang sinasakyan nilang multicab sa Tangalan, Aklan nitong Marso 28, 2021. Retrato mula sa Bureau of Fire Protection-Tangalan

Nauwi sa trahedya ang masaya sanang outing ng isang pamilya matapos maaksidente ang sinasakyan nilang multicab sa bayan ng Tangalan, Aklan nitong hapon ng Linggo.

Sa imbestigasyon ng Tangalan police, pauwi ang magkakapamilya galing sa isang beach resort, kung saan ipinagdiwang ang kaarawan ng isa nilang miyembro.

Pagdating sa may Barangay Tondog, nawalan umano ng kontrol ang driver ng multicab, dahilan para mahulog ito sa gilid ng kalsada at tumagilid.

Agad namang rumesponde ang mga disaster officer ng lokal na pamahalaan at tauhan ng lokal na Bureau of Fire Protection para mailigtas ang mga sakay ng multicab.

Nabatid umanong umabot sa 12 ang sakay ng multicab, karamihan ay mga menor de edad.

Nagtamo ng malubhang sugat ang driver at 3 pang kasamahan, na agad dinala sa ospital.

Nasa maayos na lagay naman ang iba pang sakay ng behikulo.

– Ulat ni Rolen Escaniel

FROM THE ARCHIVES:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.