Lalaking 'nanakit, nanutok ng baril' sa teenager huli sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2020 01:27 PM

Arestado ang isang lalaki sa Quezon City matapos umanong tangkaing barilin ang isang teenager na dumura sa tabi ng kaniyang tindahan. Retrato mula sa National Capital Region Police Office.

MAYNILA — Arestado noong Sabado ang isang lalaki sa Quezon City matapos umanong paluin ng kahoy at tutukan ng baril ang isang teenager na dumura sa tabi ng kaniyang tindahan. 

Batay sa report ng National Capital Region Police Office (NCRPO), bandang 9:30 ng umaga ay pumunta si alyas "Raymond," 15, sa tindahan ng 57 anyos na suspek sa may Republic Avenue, Barangay Greater Fairveiw.

Nang dumura ang biktima sa tabi ng tindahan, napikon ang suspek at hinampas ang biktima ng kahoy sa ulo at tagiliran, sabi ng pulisya.

Tumakbo umano pauwi ang biktima at napansin ng kaniyang tiyahin ang natamo niyang injury kaya bumalik sila sa lugar ng suspek.

Nang makasalubong ang suspek, tinutukan niya ng baril ang biktima pero bago makapagpaputok ay inagaw ng kaniyang misis ang armas, ayon sa ulat ng mga pulis.

Hinuli ang suspek matapos makapagsumbong ng ilang saksi sa kalapit na checkpoint.

Sa police station, nabigo ang suspek na magpakita ng lisensiya para sa baril na nakumpiska sa kaniya.

Kakasuhan ang suspek ng attempted murder in relation to child abuse at illegal possession of firearms.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.