PatrolPH

Ilang simbahan kumukupkop ng mga walang tirahan sa gitna ng COVID-19 quarantine

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2020 04:35 PM | Updated as of Mar 29 2020 04:36 PM

MAYNILA — Sa harap ng panawagan ng pamahalaan na manatili sa bahay sa gitna ng Luzon lockdown kontra COVID-19, ilang mga institusyon ng simbahan sa Maynila ang nagbukas ng pintuan para sa mga naninirahan sa lansangan. 

Sa Paco Catholic School, inaalagaan ang may 100 homeless persons simula nang magpatupad ng enhanced community quarantine ang gobyerno.

"Ito'y bilang pagtugon na din sa apela ni Bishop [Broderick] Pabillo (auxiliary bishop of Manila) na kupkupin ang mga nasa lansangan ngayong panahon ng lockdown kaya namin binubuksan ang aming pintuan para sa mga kapos-palad nating mga kababayan," ani Fr. Carlo Del Rosario, chaplain ng Paco Catholic School. 

Sa ilalim ng gymnasium ng paaralan pansamantalang nanunuluyan ang mga dating nasa lansangan. 

Si Alex Talens ang coordinator na siyang namamahala sa mga bisita. 

"Dito pinapakain sila nang 3 beses isang araw at mino-monitor din ang kanilang kalusugan sakaling may apektado ng virus," ayon kay Talens.

Mula pa sa mga lansangan ng Quezon City at Maynila ang mga nanunuluyan sa Paco Catholic School. 

"Sa ngayon kaya pa namin magpakain hanggang bago mag-mahal na araw pero kailangan na rin naming kumatok sa mga may mabubuting kalooban sa anumang donasyon," paliwanag ni Del Rosario. 

Mga alumni ang unang tumugon para pondohan ang pagkain ng mga nanunuluyan sa paaralan, anang chaplain. 

"Sakaling may nais na magbigay ng tulong, maaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng aming paaralan o magtungo mismo dito para sa kanilang ipagkakaloob na donasyon," panawagan ni Del Rosario. 

Bukod sa Paco Catholic School, nagbukas din ng pintuan para sa mga naninirahan sa lansangan ang iba pang institusyon gaya ng De La Salle University, College of St. Benilde, Espiritu Santo Elementary School, gayundin ang Kalinga Center sa Tayuman na nasa pamamahala ng Diocese of Manila, ang St. Scholastica's College at Malate Catholic School. 

Mananatili ang lockdown sa buong Luzon hanggang Abril 12. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.