PDEA pinaigting ang operasyon kontra mga tsuper na drug user

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2019 05:11 PM | Updated as of Mar 29 2019 08:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsagawa ng surprise drug testing ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mahigit 2,000 tsuper ng public utility vehicles (PUV) sa 26 na terminals sa buong bansa.

Pinangunahan ng PDEA, Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, at Metropolitan Manila Development Authority ang operasyon na tinawag nilang "Oplan Harabas."

Isinagawa raw ito para masigurong makaiwas sa disgrasya ang mga drayber at commuters.

Sa tala kasi ng PDEA, simula 2013 hanggang 2019 ay aabot sa mahigit 11,000 ang naarestong mga drayber dahil sa paggamit at pagtutulak ng droga.

Madalas na dahilan din umano ng paggamit ng droga ang kawalan ng tulog dahil sa haba ng oras ng pamamasada, ayon sa PDEA.

Kabilang sa nakilahok sa drug testing ang taxi driver na si Robert De Venecia.

"Isang magandang pagkakataon po para malinis 'yung transport sector," ani De Venecia.

Pero may ilan umanong umiiwas, ayon sa jeepney driver na si Edgardo Clarisa.

"Dapat 'di lang isang araw operation sa mga ganun, marami nakakaramdam nagtatago kaagad sila," ani Clarisa.

Aabot sa 26 ang nagpositibo sa droga sa nationwide na "Oplan Harabas."

Pinakamarami ang naitalang tsuper na nagpositibo sa droga sa Zamboanga Peninsula kung saan 9 na drayber ang nahuli. Walo naman ang nahuli sa National Capital Region.

Halos 300 drayber naman sa Davao Region ang isinailalim sa drug test, kung saan tatlo ang nagpositibo, kabilang na ang isang taxi driver sa Bangoy International Airport sa Davao City.

Pero ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, isasailalim pa sila sa confirmatory test.

"Para maging safe ang ating commuters, huwag sila matakot kasi confidential ito...tutulungan namin sila ma-rehabilitate para makabalik sila sa trabaho," aniya.

Giit ng LTO na legal ang pagsasagawa ng drug tests sa terminals dahil naaayon ito sa RA 10586 o Anti Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

"We will initiate revocation procedures pag nag-refuse. We will confiscate the drivers license, pag nag-positive we will file a case," ani Roberto Valera, hepe ng LTO's Field Enforcement Division.

Maaaring masuspinde nang hanggang isang taon o mabawi nang tuluyan ang pagkakaroon ng lisensiya ng lumabag na drayber.

Patuloy umano itong gagawin ng mga awtoridad hanggang Semana Santa kung saan inaasahan ang pagdami ng bilang ng mga babiyahe pa-probinsiya.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.