Mga botante binalaan sa 'mala-piyestang' paandar ng local bets

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2019 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagmistulang piyesta ang pag-arangkada ng kampanya sa mga lokal na puwesto sa iba't ibang panig ng bansa ngayong Biyernes. 

May mga pa-banda, pa-zumba, motorcade, pagpapamudmod ng kendi at t-shirts para makumbinse ang mga botante na sila ang ihalal sa puwesto. 

Ayon sa mga eksperto sa kampanya, mas kinakagat kasi ng botante ang kampanyang personal at nakakaaliw kaysa seryosong usapan sa mga isyu.

"Ang gusto ng botanteng lokal kadalasan pa-bingo. Iyan ang pinakasikat na initiative, meron ka pang pasayaw, meron kang pakanta," sabi ni Alan German, isang campaign expert.

"Nu'ng panahon namin pasayaw lang at saka pa-bingo. Ngayon kailangan mag-concert na kasi iba na rin ang botante ngayon," sabi ni UP political science assistant professor Ranjit Rye.

Asahan na rin daw na magiging mas magastos ang kampanya dahil magpapabonggahan ang mga kandidato.

"Muscle flexing din 'yan. Pag 'yung start of campaign period medyo di ka bongga, that is seen as a sign of weakness," paliwanag ni German. 

Sabi naman ni Rye, hindi na ito bago pero tila lalo daw lumolobo ang gastos ng mga kandidato sa pag-usbong ng social media. 

"Lagi namang bongga at magastos ang eleksiyon natin and lalo na siyang magiging focused sa form and less substance. More expensive than ever ito lalo na sa local governments. Pamahal nang pamahal ang kampaniya kasi di lang naman sa ground 'yan, merong social media pa 'yan," sabi ng propesor. 

Sinasamantala din daw ng mga kandidato ang ilang tradisyong Pinoy na nakasentro sa padre de pamilya.

"Kasi ang Pinoy boboto 'yan depending on head of family. 'Pag sinabi ni tatay na botohin itong congressman na ito, itong mayor na ito, si vice mayor na ito, susunod naman 'yung rest of household," giit ni German. 

Paalala ni Rye, kailangang seryosohin ang lokal na halalan dahil ang lokal ang tagahatid ng serbisyo ng gobyerno at sila rin ang magdadala ng boto ng mga kandidato sa pambansang puwesto.—Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.