Maria Ressa inaresto, nagpiyansa sa kasong paglabag sa anti-dummy law

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2019 02:37 PM

MAYNILA — Paglapag sa Ninoy Aquino International Airport nitong Biyernes ng umaga ay sinalubong agad si Rappler CEO Maria Ressa ng mga pulis para arestuhin sa kaniyang kasong paglabag umano sa anti-dummy law.

Dinakip si Ressa paglapag niya galing sa isang flight mula sa San Francisco sa Amerika.

Nag-ugat ang reklamo sa kasong isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kina Ressa at iba pang executives ng Rappler.

Pinuna ng NBI ang pag-isyu ng Rappler ng mga Philippine Depositary Receipts sa Omidyar Network, isang banyagang kompanya.

Sa ilalim ng Saligang Batas, kailangan ay 100 porsiyentong pag-aari ng Pinoy na kompanya ang mga negosyong may kinalaman sa mass media.

Itinatanggi ng Rappler ang alegasyon na may kontrol sa kanilang pamamalakad ang Omidyar Network.

Nagmula ang warrant of arrest sa Pasig Regional Trial Court Branch 265.

Matapos dalhin sa korte, agad nagpiyansa si Ressa ng P90,000 para sa pansamantalang kalayaan.

BATIKOS

Isinalaysay ni Ressa sa kaniyang social media accounts ang pag-aresto sa kaniya ng mga pulis.

"Coming home to confront yet another ridiculous criminal case. I didn’t expect the PH government to make my joke about collecting arrest warrants a reality. This will be my 7th. For being a journalist. All these acts violating the Bill of Rights will be remembered," ani Ressa sa kaniyang Twitter account.

Dagdag ni Ressa, pagwawaldas ng buwis ang ginawang pag-aresto sa kaniya.
 
Ikinaalarma rin ng ilang grupo at miyembro ng oposisyon ang muling pag-aresto kay Ressa.

Ayon kay Liberal Party president Sen. Francis Pangilinan, mensahe umano ito ng administrasyon sa mga mamamahayag na iipitin nila ang sino mang pupuna sa kanilang mga polisiya.

"The arrest of Rappler CEO Maria Ressa may be a simple bailable case at hand, but just how law enforcers were carrying it out sends a chilling message to other media outlets and to the public in general of portent of things to come if one gets in the way of the administration," aniya sa pahayag.

Naniniwala naman ang mga grupong Bayan Muna at Gabriela na parte ito ng tumitinding black propaganda para sa mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"We are calling on all freedom loving people to band together and condemn any attacks on human rights defenders and media,” ayon sa isang pahayag ng Bayan Muna.

Giit naman ng Gabriela, mas masahol pa ang pagtrato ng gobyerno kay Ressa kumpara sa mga drug lords na anila'y may "special treatment."

“Ressa's recent arrest and the political persecution of women human rights defenders stand in stark contrast with the Duterte regime's special treatment of big-time drug lords and plunderers who are being shielded from liability by no less than the President himself," anila.

Tiwala naman ang legal counsel ni Ressa na si Francis Lim na mananaig ang batas sa umano'y pang-iipit sa kanilang kampo.

"This latest episode is not surprising and we prepared ourselves for it. But let it be crystal clear that these acts of harassment will not deter our clients from doing their duty as journalists. We believe in the rule of law and it is our fervent hope that we will prevail in the end.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.