PatrolPH

Magulang ng batang babae, nagbabala laban sa 'Libre iPhone' modus

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2019 04:40 AM

MAYNILA - Nagbabala ang isang magulang ukol sa modus sa social media na nambibiktima ng mga batang babae.

Ayon kay alyas Jessa, inalok ang kaniyang 12 anyos na anak na babae na makipag-video chat kapalit ng iPhone.

Gamit ng hindi pa kilalang salarin ang larawan ng isang batang babae.

Nakakaengganyo ang alok dahil sa Facebook profile ng salarin, may mga batang babae umano na nagpasalamat matapos makatanggap ng iPhone.

Nagduda si Jessa dahil walang nakitang tao sa video chat ng anak kundi kuwarto lang.

"Kinuha ko 'yung phone ng anak ko, sabi ko ire-report ko profile niya," aniya.

Ipinost ni Jessa sa Facebook ang insidente at may mga lumutang na nabiktima rin umano.

Napag-alaman nila na isa ring Facebook profile na gamit din ang larawan ng isang batang babae ang may parehong modus.

"Meron din daw ibang accounts na pinaghuhubad ang mga bata," aniya.

Plano ni Jessa ni isumbong ang insidente sa Anti-Cybercrime Division ng Philippine National Police. - Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.