Higit 20 timbog sa sinalakay na 'shabu tiangge' sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2019 05:27 PM | Updated as of Mar 29 2019 08:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Higit 20 tao ang naaresto ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang salakayin nila ang anim na bahay na ginagawa umanong drug den sa Bacoor, Cavite.

Sa surveillance video kasi ng mga pulis, kita ang pagbabayad ng pera ng asset sa isang drug pusher.

Pasikreto ring bumabatak ng shabu ang isang grupo sa loob ng isang bahay sa naturang lugar.

Sa isa pang video, kita naman ang pagsusugal ng mga lalaki habang nagdodroga.

Nitong Biyernes, ganap nang pinasok ng Bacoor police at PDEA-Cavite ang makikipot na daan sa Barangay Talaba 1 at 7.

Sa bisa ng search warrant, sinalakay ang anim na bahay na kumpirmadong ginagawang drug den at shabu tiangge.

Arestado ang nasa 20 taong naabutan sa mga bahay, kabilang na ang limang target ng operasyon.

Dismayado naman ang Philippine National Police (PNP) at PDEA sa paglaganap ng droga sa lugar lalo’t nasa tapat lang ito ng isang kulungan.

Nagbabala rin sila sa mga barangay official na posibleng pumoprotekta sa mga drug suspect.

"Huwag nilang antayin na makakuha ako ng accurate surveillance dahil io-operate ko talaga sila," sabi ni Bacoor police chief Police Lt. Col. Vicente Cabatingan.'

Sa kabuuan, tinatayang nasa P500,000 halaga ng droga at paraphernalia ang nakumpiska sa shabu tiangge.

Isasailalim naman sa verification process ang ilan sa mga naaresto.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.