Erap, Lim, 5 pang kandidato no-show sa debate sa UP Manila

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2019 04:48 PM | Updated as of Mar 29 2019 08:45 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Hindi sumipot ang 2 nangungunang kandidato sa pagkaalkade ng lungsod ng Maynila na sina Joseph Estrada at Alfredo Lim sa ikinasang debate ng University of the Philippines-Manila nitong Biyernes.

Inaabangan ng mga estudyante ng UP Manila ang debate na binansagan nilang "Thrilla in UP Manila" kung saan pagsasabungin sana ang 8 nais mamuno sa Maynila.

Pero sa walong kandidato, si dating Manila Vice Mayor Isko Moreno lang ang sumipot, na ikinadismaya ng maraming estudyante. 

"It's very frustrating that they're not here. May mga tanong kasi ako," sabi ni UP Manila student Barbara Donato. 

Ayon sa kani-kanilang kinatawan, nangangampanya daw si Estrada habang nag-abiso naman ang kampo ni Lim na hindi ito makakadalo. 

Sa pagtitipon, ibinida ni Moreno sa debate ang kaniyang pagnanais na tapusin ang problema sa illegal vendors at problema sa basura sa Maynila.

Kasama ng UP Manila sa pag-organisa ng debate ang Good Neighbors Initiative, na binubuo ng mga pribado at pampublikong establisimyento sa Padre Faura at iba pang bahagi ng lungsod.

Bukod kina Estrada, Lim, at Moreno, pagpipilian din ng mga botante ng Maynila ang mga kandidatong sina Cecil Salvador, Benjamin Rivera, Francis Villegas, Onofre Abad, at Francisco Pizarra. —Ulat nina Johnson Manabat at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.