Bangkay ng lalaki, natagpuan sa Kawit

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2019 05:14 AM

CAVITE - Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa damuhan sa Barangay Putol, Kawit, Cavite Huwebes ng gabi.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Ayon kay Police Staff Sgt. Jason Murcia ng Kawit police, nakarinig ang mga residente ng mga putok ng baril alas-8:15 ng gabi.

Tinatayang nasa 25 hanggang 35 anyos ang biktima na may katamtamang laki ng katawan. 

Suot niya ang isang puting T-shirt, itim na shorts, at kulay blonde ang buhok. May mga tattoo rin siya sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Narekober sa crime scene ang mga bala ng kalibre .45 na baril at 9mm.

Dinala ang bangkay sa punerarya sa Bacoor City habang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. - Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.