55 tsuper, nagpositibo sa drug test ng PDEA

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2019 09:10 PM | Updated as of Mar 29 2019 09:32 PM

MAYNILA - Umabot na sa 55 sa mahigit 4,000 PUV (public utility vehicle) drivers ang nagpositibo sa drug test ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa iba't ibang transport terminals sa bansa.

Kabilang dito ang mahigit 20 jeepney drivers, 13 tricycle drivers, 11 taxi drivers, 55 UV Express drivers, at tig-isang bus at tricycle drivers.

Ayon kay Derrick Carreon, tagapagsalita ng PDEA, sasailalim pa sa confirmatory test ang mga nagpositibo at isusumite sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang kanilang mga pangalan.

Pinagbawalan na silang bumiyahe nitong Biyernes.

Kukumpiskahin ang kanilang lisensya at isasailalim sa rehabilitasyon, batay na rin sa nakasaad sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

Ipinag-utos ni PDEA Director General Aaron Aquino ang sorpresang drug test dahil aniya sa pagtaas ng bilang ng aksidente na dulot naman ng mga tsuper na gumagamit ng droga.

Mula Enero 2018 hanggang Enero 2019, mahigit 3,000 tsuper ang naaresto dahil sa pagkakasangkot sa droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.