Nagbanggaang bus at truck, nahulog sa gilid ng highway

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2018 03:31 PM

Nahulog sa malalim na bahagi ng kalsada ang isang pampasaherong bus at elf truck matapos na magpang-abot sa daan, Marso 29, 2018, ng tanghali sa Butuan City. Tatlong katao din ang nasugatan sanhi ng aksidente.

BUTUAN CITY – Tatlo katao ang sugatan matapos magpang-abot ang isang pampasaherong bus at elf truck sa National Highway ng Barangay Mahay, Huwebes ng tanghali.

Nasugatan sa kamay si Nelson Tupal, ang konduktor ng Philtranco bus, habang sugat sa ulo at galos sa katawan naman ang natamo ng 2 pahinante ng truck na sina Eric Bahaw at Junie Hapsay.

Basag ang windshield at nagkayupi-yupi ang unahang bahagi ng bus habang nayupi rin ang kaliwang bahagi ng truck.

Masuwerteng wala namang nasugatan sa 19 na pasahero ng bus na mula sa Pasay City at patungong Cagayan de Oro City.

Nagkalat naman sa highway ang mahigit sa 70 sako ng bigas na karga ng truck.

Ayon kay PO2 Dan Nephtali Mahusay, Traffic Investigator ng Butuan City Police Station 1, magkasunod na tumatakbo ang 2 sasakyan sa kahabaan ng National Highway pero habang lumiliko-pakaliwa ang truck nagtangka namang mag-overtake ang bus.

Huli na nang maka-preno kaya’t nagkasalpukan ang 2 sasakyan at nagtuloy-tuloy sa malalim na bahagi ng gilid ng kalsada.

Ayon sa driver ng bus na si Nelson Compania, hindi sumenyas ang driver ng truck bago lumiko. Giit naman ng driver ng truck na si Jeffrey Larosa na nag-signal siya. Nakapasok na siya sa lane ng nilikuang kalsada pero itinuloy pa rin umano ng bus ang pag-overtake.

Ipinahayag ni Mahusay na may pagkukulang ang driver ng bus.

Kasalukuyan pang nasa Police Station ang dalawang panig para alamin kung ano ang magiging pananagutan ng bawat isa.

Labis namang nagpapasalamat ang isa sa mga pasahero na si Lucio Yonson na bagama’t naantala ang kanilang pagbiyahe, wala namang napahamak sa kanila sa aksidente. 

Bakasyon at reunion ng pamilya ang pakay niya sa pag-uwi pero dahil sa nangyari sisiguruhin umano niya na makapagsimba bukas, araw ng Biyernes Santo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.