Magsasaka, pinatay ng kapatid dahil sa paghihiganti

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2018 04:07 PM

ROSARIO, LA UNION - Napatay ang isang magsasaka matapos pukpukin sa ulo ng martilyo ng kaniyang nakatatandang kapatid habang sila'y nag-iinuman noong umaga ng Miyerkoles.

Ayon sa suspek na si Artemio Gatchalian, 62 anyos, paghihiganti ang nagtulak sa kaniya para patayin ang 48 anyos na kapatid na si Pablito Gatchalian.

Tinaga kasi noong 2014 ni Pablito ang kamay ni Artemio dahil sa kalasingan.

Pero tinitingnan din ng pulisya ang umano'y alitan ng magkapatid sa patubig sa sakahan bilang motibo ng krimen, ayon kay Senior Police Officer 1 Allan Padilla ng Rosario police.

Hindi naman makapaniwala ang panganay nilang kuya na si Jaime Gatchalian sa nangyari sa magkapatid.

"Pagbabayaran niya (Artemio) 'yong ginawa niyang kasalanan," sabi ni Jaime.

Kusang sumuko si Artemio sa mga pulis at ngayo'y nahaharap sa kasong murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.