Ilegal na small scale mining, nadiskubre sa Baguio

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2018 01:24 PM

BAGUIO CITY – Nadiskubre ng awtoridad ang isang small-scale mining na ilegal na nago-operate sa Uabac, Camp 7, Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Chief Inspector Francisco Cacas ng Police Station 8, napansin nila ang ibang kulay ng tubig na dumadaloy malapit sa Lions Head sa Kennon Road. Isang tube na konektado sa mining tunnel ang nakita rin sa lugar.

Kasama ng mga pulis ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) Cordillera nang inspeksiyunin ang lugar Huwebes ng umaga.

Wala umanong permit ang naturang minahan. Natagpuan din sa lugar ang abandonadong ball mill at mga natirang bakas ng ilegal na operasyon ng pagmimina sa lugar.

"Yung mining without necessary permit, they are polluting our resources here. 'Yung mga waste nila diretso sa river system," ayon kay Engr. Santiago Bognosen ng MGB-CAR.

Pahayag naman ng barangay na nakapag-diyalogo na sila sa small-scale mining operators at hinikayat nilang itigil na ang operasyon.

"Ang City Ordinance ay walang naaprubahan na minahang bayan dito sa City of Baguio," ayon kay Punong Barangay Angelina Ramos.

Nagpalabas na ang MGB-CAR ng seizure receipt para makumpiska ang 6 na sako ng naminang bato sa lugar. Magsasampa rin sila ng kaso laban sa operator ng ilegal na minahan na tumanggi naman magbigay ng pahayag.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.