Bulkang Mayon, ibinaba na sa Alert Level 2

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2018 08:40 AM | Updated as of Mar 29 2018 11:06 AM

Ibinaba na sa level 2 ang alert status ng bulkang Mayon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon kay PHIVOLCS Legazpi resident volcanologist Ed Laguerta, bumaba na ang mga parametrong tinitingnan nila sa aktibidad ng bulkan.

Sa loob ng dalawang linggo, bumaba ang seismic activity ng bulkan kung saan hindi na hihigit sa 10 ang naitatalang rockfall events na dati'y umaabot hanggang 82.

Bumaba na rin ang naitatalang sulfur dioxide emission at may pagnipis na sa dalisdis ng bulkan simula Pebrero 20.

Nahinto na rin ang pagdaloy ng lava mula sa dalisdis ng bulkan.

Mayroon pa rin nakikitang pagbabanaag sa bunganga ng bulkan kaya ibinaba lang hanggang alert level 2 ang estado nito.

Sa ilalim ng alert status na ito, mahigpit na ipinagbabawal pa rin ang anumang aktibidad sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone (PDZ).

Kaugnay nito, nagpalabas na ng advisory ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Albay ng full decampment sa nasa 1600 pamilya sa mga evacuation center mula sa bayan ng Guinobatan, Camalig, Malilipot at Tabaco City na nakatira mula sa loob ng 6-km PDZ.

Marso 6 noong ibinaba sa level 3 ang alert status ng bulkan mula alert level 4.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.