ALAMIN: Alternatibong ruta sa isinarang bahagi ng Elliptical, Commonwealth

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2018 02:18 PM

Masikip ang trapiko sa bahagi ng Commonwealth Avenue kung saan sinimulan na ang pagtatatayo ng MRT 7 nitong Marso 12, 2018. Photo by Mark Demayo, ABS-CBN News

Nakatakdang isara sa mga motorista simula ngayong Huwebes, Marso 29 ang ilang linya sa intersection ng Commonwealth Avenue at Elliptical Road sa Quezon City dahil sa gagawing tunnel ng MRT 7.

Maghuhukay ang contractor ng MRT 7 sa kanto ng Commonwealth Avenue at Elliptical Road.

Isang linya sa magkabila ng Commonwealth at tatlong linya sa Elliptical Road ang gagamitin bilang work area at isasara na sa motorista.

Payo ng MMDA, mas makakabuting maghanap na lang ng ibang dadaanan para makaikot sa Quezon Circle.

Kung manggagaling ng Edsa at Quezon Avenue, gamitin ang inner lane ng Elliptical Road, lagpasan ang Commonwealth intersection, pumasok ng Visayas, kumanan sa Central Avenue, at mag-U-turn sa Commonwealth sa tapat ng UP Asian Institute papuntang Fairview.

Kung galing naman sa norte, gamitin ang Congressional Avenue, diretso sa Visayas Avenue, kumaliwa sa Central Avenue, at mag-U-turn din sa Commonwealth sa tapat ng UP Asian Institute papuntang Fairview.

Kung galing naman sa southern o eastern side ng Metro Manila, pumasok sa White Plains Avenue, diretso hanggang Katipunan at Tandang Sora, at pagkatapos ay kumanan sa Commonwealth papuntang Fairview.

Mga parehong ruta rin ang maaaring gamitin kung manggagaling naman ng Commonwealth.

Plano rin ng ahensiya na tanggalin na ang U-turn slot sa intersection at pagkatapos ay hahatiin nila ang sampung linya ng elliptical road: limang outer lane para lamang sa mga papasok at palabas ng Commonwealth at limang inner lane para sa mga iikot ng Quezon Circle.

Ilalagay ang barrier simula sa Maharlika street hanggang Commonwealth kaya ang mangyayari ay obligado nang kumanan sa Commonwealth ang mga lalabas ng Maharlika. 

Sa pag-aaral ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nasa 13,000 mga sasakyan kada oras ang dumadaan sa intersection na isasara hanggang sa Agosto.

Batay sa simulation data ng MMDA, kapag naisara na ang mga linya para sa MRT-7, madadagdagan ang travel time o oras ng biyahe sa Commonwealth Avenue ng 25 porsiyento.

Katumbas iyan ng 15 minutong dagdag sa kada isang oras na dating tagal sa biyahe sa Commonwealth.

Makikipagtulungan ang MMDA sa Quezon City para dagdagan ang traffic enforcer sa mga apektadong lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.