Tricycle driver, arestado sa droga sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2017 10:41 PM

Ikatlo si Abelardo Calantes sa listahan ng mga "drug personalities" sa bayan ng Vintar, Ilocos Norte.

VINTAR, Ilocos Norte – Timbog ang isang hinihinalang drug pusher na ikatlo sa illegal drug watchlist sa bayan ng Vintar, Ilocos Norte sa isinagawang search operation sa kanyang bahay sa Barangay Lubnac sa nasabing bayan Miyerkules ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Abelardo Calantes, 47 taong gulang at isang tricycle driver.

Dala ang search warrant, nilusob ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) Vintar at Provincial Drug Enforcement Agency ang bahay ni Calantes, kung saan nakakuha sila ng 12 sachet ng shabu, 1 sachet ng marijuana at ilang mga drug paraphernalia katulad ng lighter, gunting, straw, at mga transparent plastic sachet.

Itinanggi ni Calantes na nagbebenta siya ng shabu ngunit inaming dati siyang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Sinabi rin niya hindi sa kanya ang mga nakuhang ebidensya.

"Walang katotohan ang mga ‘yun. Planted ang mga ‘yun. Mayaman na sana ako kung talagang ako'y nagbebenta," ani Calantes.

Ayon kay Senior Insp. Oliver Baniqued, matagal na nilang mino-monitor si Calantes dahil sa iligal na droga. 

"Matagal na po itong under surveillance at na-validate din po natin na talagang ito pong suspek ay still continuing doing his illegal activities," ani Baniqued.

Hindi ito ang unang beses na nahulian si Calantes ng iligal na droga. Una na itong naaresto noong 2015 sa isang police checkpoint dahil din sa ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.