Traffic enforcer na binaril, inihatid na sa huling hantungan

Primy Cane, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2017 08:57 PM

MANILA – Inilibing na nitong Miyerkules ng hapon ang isang traffic enforcer na pinatay ng isang motorista noong nakaraang linggo sa Pasay City.

Binaril si Noel Lunas ng driver ng hinahabol na sasakyan sa Roxas Boulevard noong Marso 21. Sinita ng kanyang kasama ang driver dahil umano sa paglabag sa batas-trapiko. 

Inilibing si Lunas na suot ang kanyang uniporme, at ang kanyang asawa ay binigyan ng nakatuping bandila ng Pilipinas bilang simbolo ng kanyang paglilingkod sa bansa.

Nakuhanan ng surveillance camera ang pagsunod ni Lunas sa isang sasakyan na lumabag sa batas-trapiko. Pagkatigil ng sasakyan ay pinuntahan ito ni Lunas, at saka siya umanong binaril ng mga sakay. 

Namatay si Lunas at nakatakas ang mga sakay ng sasakyang kinilalang sina Nashro Bagindulo, alyas Cairoden Magundao; at Norhinia Sema, na kilala rin bilang Agua Sema at Rose Sema. 

Iniwan ng mga suspek ang kanilang sasakyan, isang Toyota Innova, sa lugar.

Hinahanap pa rin sina Bagindulo at Sema ng mga otoridad.

Para sa may impormasyon tungkol sa mga suspek, maaring tumawag sa opisina ng mga pulis sa Pasay, o kaya’y sa pinakamalapit na presinto sa inyong lugar. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.