Mga babaeng topnotchers ng PMA, handang madestino sa Benham Rise

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2017 01:58 AM | Updated as of Mar 31 2017 04:41 AM

Nang papiliin sa tatlong sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga bagong gradweyt ng Philippine Military Academy (PMA), minabuting piliin ng valedictorian at top 3 ang pagsali sa Hukbong Dagat ng Pilipinas o Philippine Navy dahil mas makatutulong umano sila sa bansa. Sa katunayan, gusto agad nilang maitalaga sa mga bagong warships na nagbabantay ngayon sa Benham Rise. Ito ang mga frigates, o barkong pandigma, na FF-16 at FF-17.

“Being a maritime nation at archipelago po tayo, mas makaka-contribute po kami sa Navy. Sabi nga po, ‘yung atin pong Navy ‘yung small AFP-- kumpleto na po tayo ng land troops sa Marines; kung gusto po nating maging piloto, meron po tayong Naval Air Group; kung gusto po nating mag-command ng mga vessels o ‘yung mga barko natin, doon po sa Philippine Navy, parang kumpleto na po lahat. Masuwerte po kaming sa Navy napunta,” ani Cadet First Class Rovi Mairel Martinez na nanguna sa mga nagsipagtapos sa PMA ngayong taon.

Nang tanungin naman sila sa panayam sa programang Todo Todo Walang Preno ng DZMM kung handa silang mamatay para sa kanilang bansa, sagot ni Cadet First Class Eda Glis Marapao, top 3 ng PMA batch 2017, “Inihanda po kami at handa po kaming magserbisyo sa ating bayan at sa ating mga kababayan,”

Upang makapaghanda sila sa pagsampa sa barko, sasailalim sila sa Naval Officer Basic Course nang 4 hanggang 6 na buwan sa Naval Education Training Center sa Zambales bago sila i-destino sa barko. 

Maliban dito, ang “holistic training” sa kanila ng PMA na naglinang sa kanilang pagkatao, akademikong pag-iisip, taktikang militar, at aspektong pisikal ay bahagi ng kanilang preparasyon upang maabot ang pangarap na sumali sa Navy. 

Nag-iwan naman sila ng pasasalamat sa mga taga-suporta, at mensahe para sa mga kababaihan.

“Sa mga kababaihan, huwag nating tingnan ang ating kasarian bilang hadlang sa ano man ang gusto nating gawin sa ating buhay.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.