Lalaki patay sa pamamaril sa Puerto Princesa

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2017 06:13 PM

PUERTO PRINCESA - Patay ang isang lalaki nang pagbabarilin sa Brgy. San Pedro, Puerto Princesa City ngayong Miyerkules.

Kinilala ang biktimang si Reggie Casiano Nieto na nakasakay ng motor nang siya ay barilin bandang alas-11:00 ng umaga.

Ayon sa isang residenteng naninirahan lang malapit sa lugar, nanonood umano sila ng telebisyon sa bahay nang makarinig ng tatlong putok ng baril sa labas.

Agad umano siyang lumabas ng bahay at dito na tumambad ang duguang katawan ni Nieto. 

Inakala naman ng ilang residente na paputok lang ang kanilang narinig dahil masukal at di gaanong dinadaanan ng sasakyan ang lugar.

Isang testigo naman rin ang nakakita sa isang kahina-hinalang nakamotor na agad humarurot matapos ang insidente ng pamaril.

Nakasuot umano itong closed-face helmet at itim na jacket. Wala rin umanong plaka ang minamaneho motor.

Dalawang basyo ng bala ng kalibre .45 ang natagpuan sa crime scene. 

Ayon din sa Puerto Princesa City Police, maaaring magkakilala raw ang suspek at biktima.

Maaari din umanong sinundan lang ng suspek ang biktima dahil sa likod ang tama ng bala.

Patuloy naman ang imbestigastyon ng pulisya para matukoy ang motibo at may kagagawan ng pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.