DENR, handog ang libreng pagpapatitulo ng lupa sa Maguindanao

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2017 08:04 PM

COTABATO CITY – Solusyon umano sa rido, na karamihan ay nag-ugat sa awayan sa lupa, ang ginagawang land titling program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Maguindanao.

Sa ilalim ng humanitarian development and action plan (HDAP) ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), nabuo ng DENR ang isang programa kung saan libre ang pagpapatitulo ng mga mahihirap sa 16 na bayang kabilang sa conflict-affected areas ng Maguindanao.

Ayon kay DENR-ARMM Secretary Kahal Kedtag, problema sa probinsya ng Maguindanao ang hindi pagkakaroon ng titulo. Makakatulong umano ang kanilang programa dahil ang kailangan lang na mga dokumento ng DENR ay ang real property tax at cedula mula sa munisipyo. Ang DENR na ang bahalang magsagawa ng survey sa pagmamay-ari ng lupa.

“Iyong wala pang mga titulo, hindi pa naiisyuhan ng titulo, yung isu-subdivide, kami na bahala doon. Kung sa private? P60,000 per lot [ang sinisingil], pero dito free, wala kang babayaran. Ang i-submit mo lang ay iyong kukunin sa munisipyo, real property tax at cedula,” ani Kedtag.

Makakatulong umano ang programa sa pagreresolba ng rido, na kadalasan ay nag-uugat sa awayan sa lupa ng magkakamag-anak.

“Iyong conflict areas pwede nating isama iyan, kasi tayo magre-relocate, sa relocation survey. Dati kasi, mga ninuno, ituturo lang nila. Ngayon mayroon na tayong technical description so masosolve nito ang away sa lupa,” sabi ni Kedtag.

Noong Miyerkules ay umabot na sa 1,000 ang dumulog sa mga opisina ng DENR sa ARMM.

Hindi lang din basta-bastang titulo ang hahawakan ng mga nagmamay-ari ng mga lupa, dahil kapag nairehistro na ito sa registry of deeds ay didiretso rin ito sa land registration commission upang magkaroon ng record sa national office ang lahat ng mga nabigyan ng titulo.

Ang Handog Titulo program ng DENR-ARMM ay pinondohan ng P42 milyon sa ilalim ng HDAP.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.