ALAMIN: Ano ang epekto ng mercury exposure?

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2017 03:56 PM

Malapit nang malinis ng mga awtoridad ang nakalalasong mercury na natapon sa isang laboratoryo ng Manila Science High School sa Taft Avenue, ayon sa Department of Health (DOH) Miyerkules. 

"Halos kompleto na po ang paglilinis doon. Sa huling usapan po ay off-limits po muna iyung 2nd floor at nagsasagawa kami ng imbentaryo sa science laboratory nila. Baka mayroon pang ibang hazardous chemical na dapat i-dispose," ani DOH Assistant Secretary Eric Tayag sa panayam ng DZMM. 

Sinuspende ang klase sa MaSci noong nakaraang Huwebes dahil sa mercury spill. Dalawang guro at 2 estudyante ang na-expose sa naturang kemikal, ayon sa pamunuan ng eskuwelahan. 

Ani Tayag, walang nakitaan sa mga ito ng sintomas ng mercury poisoning, batay sa inisyal na pagsusuri ng DOH. 

Upang matiyak ito, kailangan aniyang maghintay ng isang buwan para sa resulta ng blood test sa mga guro at estudyante. 

Lubhang mapanganib sa kalusugan ang labis na exposure sa mercury, babala ng opisyal. 

"Ito po ay magkakaroon ng epekto sa utak. Unang-una, maaari pong makitaan ng tremors. Kalaunan, depende kung gaano katindi ang exposure, puwede maapektuhan ang maraming organs sa ating katawan. Una na d'yan ang kidney," sabi ni Tayag. 

"Sa mga mag-aaral, delikado po iyan sapagkat maaapektuhan po ang kanilang memory at may kinalaman po iyan sa kanilang pag-aaral. Mayroon din pong mga behavior disturbances." 

Nagpatawag na ng imbestigasyon ang Department of Education ukol sa mercury spill sa MaSci.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.