3 minasaker sa bahay-sugalan sa QC

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2017 10:22 AM

MANILA - Patay ang 1 babae at 2 lalaki makaraang pagbabarilin sa loob ng isang palaruan ng bidyo-karera sa Commonwealth Avenue sa Matandang Balara, Quezon City ngayong Miyerkules.

Ayon sa mga residente, nakita ang 3 lalaking nakasuot ng bonnet sa lugar, 10 minuto bago narinig ang magkakasunod na putok na baril.

Nakilala ang mga napaslang na sina alyas Roy, alyas Annabelle at Robert Mago.

Dati nang sumuko ang 22-anyos na si Mago sa mga awtoridad dahil sa paggamit ng droga, ayon sa kanyang mga kaanak.

Sinabi ng barangay public safety officer na si Edgardo Tumbale na nababalitaan nila kamakailan na binabagsakan at kinukuhanan ng droga ang bahay-pasugalan kung saan binaril sina Mago.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad si Reynaldo Tahil, tiyuhin ni Mago, matapos nitong barilin ang isang kapitbahay na pinaghinalaan niyang sangkot sa pagpaslang sa mga biktima.

Ginamit ni Tahil ang shotgun ng barangay sa pamamaril sa kanyang kapitbahay. Nadaplisan din ng bala ang asawa nito.

Isinugod ang mag-asawa sa East Avenue Medical Center habang nakatakas naman si Tahil.

Nito lang Linggo, pinagbabaril at napaslang din ng mga naka-bonnet na gunman ang 4 na residente sa kalapit na barangay ng Payatas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.