PatrolPH

Presyo ng ilang bilihin sa Quinta Market, tumaas

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2023 02:35 PM

Tumaas ang presyo ng karneng baboy, bangus, at ilang gulay ngayong Martes sa Quinta Market sa lungsod ng Manila. 

Pero ayon sa mga nagtitinda, inaasahan nila na tataas pa ang presyo ng iba pang bilihin simula sa Lunes Santo dahil wala masyadong bumibiyahe lalo't Semana Santa.

Ayon kay Jason Santos, tindero ng baboy, nagmahal ng P15 ang kanyang paninda ngayong linggo. 

Aniya, binawasan pa niya ang kanyang panindang karneng baboy ngayong araw. Wala kasing masyadong bumibili ng karneng baboy at madalas na tig-P100 lamang ang binibili ng mga mamimili.

Karamihan kasi ay nagtitipid at lalo pang tutumal ang bentahan dahil sa Holy Week.

Sampung piso naman ang minahal ng repolyo. Mabibili ito ngayon sa halagang P70 kada kilo. 

Bumaba naman and pechay, kamatis at siling labuyo. 

Ang kamatis at pechay ay P40 kada kilo habang ang labuyo ay nasa P120 kada kilo 

Nadagdagan naman ng P5 ang presyo ng bangus. Mula P160, nasa 165 ito ngayong Martes.

Samantala, bumaba naman ang presyo ng galungong, mabibili ito ng P180 kada kilo mula P220 noong nakaraang linggo. 

Ang pinakamurang bigas sa Quinta market ay ang regular milled rice na P38. Ang sumunod na dito ay ang well-milled rice nasa P42 kada kilo. 

"Mabagal ang benta dito sa Quiapo. Sa imported tingin ko tataas dahil nabalitaan namin na malaki tinaas sa taripa sa importasyon sa lokal, dapat mababa kasi anihan ngayon. Pero nakikisanay ang local ng bigas kaya nahihirapan kami magbigay. Mataas sa 'min, pero sigurado ang quality maganda," ani Quinta Market President Store Holders Association Marilen Reyes. 

Ayon sa mga nagtitinda, maaaring tumaas pa hanggang P10 ang kada kilo ng gulay habang papalapit ang Semana Santa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.