AUSTRALIA - Patuloy ang pagsuporta ng Pilipinas laban sa trafficking at sexual exploitation ng mga bata sa pamamagitan ng pakikipagpulong ng Embahada ng Pilipinas sa Australia kasama ang Destiny Rescue Limited Australia noong March 22, 2023.
Ang Destiny na nakabase sa Sunshine Coast sa Queensland, Australia ay isang registered charity na may mahigit dalawang dekada na ng kanilang adbokasiya ng pagliligtas at pagbibigay proteksyon sa mga batang nabibiktima ng seksuwal na pang-aabuso at pati na rin sa pagpigil sa child trafficking.
(center) Si Consul General Aian Caringal ng Embahada ng Pilipinas sa Australia kasama ang mga kinatawan mula sa Destiny Rescue Limited Australia
Dagdag pa ng Embahada, aktibo at matagumpay ang mga proyekto ng Pilipinas at Australia sa pagbibigay proteksyon sa mga bata mula sa online sexual exploitation at maging sa pagsasampa ng mga kaso laban sa mga mang-aabuso.
Umaabot na sa 521 batang Pilipino kabilang na ang ibang kabataan sa mga nailigtas ng Destiny Rescue Philippines na nagsimula taong 2014 katuwang ang iba-ibang ahensya ng gobyerno ng Pilipinas na kinabibilangan ng National Bureau of Investigation o NBI, Philippine National Police o PNP at ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Kabilang sa ibinibigay na tulong ng Destiny Rescue Philippines ang augmented assistance program na nagbibigay ng resources at logistics sa mga partner nitong law enforcement agencies at national government agencies para tagumpay na mailigtas ang mga bata laban sa pang-aabusong seksuwal.
Pinasalamatan ni Consul General Aian Caringal ang Destiny sa pangunguna nina Mr. Paul Mergard, CEO at Mr. Greg Bradley, Executive Partnership Manager sa kanilang mga proyekto sa Pilipinas. Binigyang diin din ni CG Caringal ang patuloy na programa ng Pilipinas sa pagsugpo ng anumang uri ng modern slavery, kabilang na ang pagtulong at pagbibigay proteksyon sa mga batang naaabuso.