Police Regional Office - Region 3
Ginawaran ng Medalya ng Kadakilaan o Heroism Medal (posthumous) ang nasawing San Miguel, Bulacan police chief na si Police Lieutenant Colonel Marlon Serna sa kaniyang burol nitong Lunes, Marso 27.
Pinangunahan ni Police Brigadier General Jose Hidalgo Jr., regional director ng Police Regional Office-Region 3, ang paggawad ng naturang parangal kay Serna na nasawi matapos siyang mabaril ng tinutugis niyang dalawang holdaper.
Isinagawa ang paggawad ng medalya sa burol ni Serna sa Barangay Pitong Gatang sa Sta. Rosa, Nueva Ecija sa presensiya ng kaniyang mga mahal sa buhay.
Kasabay nito, iniabot din ng kinatawan ng Public Safety Mutual Benefit Fund Inc. ang paunang death benefits ng napatay na pulis.
Police Regional Office - Region 3
Ang Medalya ng Kadakilaan o PNP Heroism Medal ay ipinagkaloob bilang pagkilala sa kagitingan at katapangan ni Serna na namatay habang isinasagawa ang tungkulin noong March 25, 2023.
—Ulat ni Gracie Rutao
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.