New Bilibid Prison sa Muntinlupa City, Nobyembre 14, 2022. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
MAYNILA — Papalitan ang nasa 700 guardiya sa maximum security compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa, sabi ng bagong talagang hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gregorio Catapang Jr.
"Papalitan ko lahat ng guwardiya sa maximum eh aabot ng 700 eh, at saka ilalagay ko 'yung babae," ani Catapang. "Next week. Babae commander, 'yung superintendent. Oo, mga guwardya."
Sabi ni Catapang, mahigpit ding ipapatupad ang "one strike policy."
Ibig sabihin, kapag may narinig siyang reklamo laban sa tauhan ng ahenisya, 'di lang ito ipapatanggal sa puwesto kundi tanggal agad sa serbisyo.
Pero bilang proseso, dadaan aniya ito sa masusing imbestigasyon
Plano rin ni Catapang na gawing mala-Bonifacio Global City ang BuCor o tinawag niyang Bureau of Corrections Global City.
Sa 40,000 ektaryang lupa ng BuCor asahan umanong maitatayo ang government center, commercial center at agri-industrial center sa BuCor.
May ilang kompanya na umano ang naghayag ng interes ukol dito.
Kasama na rin umano ang planong pagtatayo ng food terminal at food processing dahil nasa 50,000 ang workforce ng correctional na maaaring magtanim o magtrabaho dito, kabilang ang regional prisons and penal farms.
Makababawas din umano ito sa sentensiya ng persons deprived of liberty o PDLs na magsisilbi dito.
Aayusin din ni Catapang ang mga informal settlers sa paligid ng Bilibid at ilalagay sila sa mga high-rise na gusaling itatayo sa compound, at maaari din silang magkaroon ng trabaho sa mga business establishment na maitatayo dito.
Pinangunahan ni Catapang ang una niyang command conference bilang BuCor chief.
Dito pinagtuunan niya ng pansin ang pananampalataya ng mga tauhan.
Samantala, hindi nagkomento si Catapang sa kaso ni dating BuCor Director Gerald Bantag, bagkus kinilala ni Catapang si Percy Lapid na umano’y naging instrumento ng pagbabago sa ahensya.
"I was really designed to be the deputy of BuCor, and then nagyari 'yung kay Percy Lapid, na-elevate ako as OIC because na suspend nga si Bantag. Sabi ko nga with the reforms that I’ve been doing now, Percy Lapid did not die in vain. Because yung pagkamatay niya ignited the reforms, the reformation, the changes that needed to be done in BuCor," ani Catapang.
"So itong reforms na ginagawa namin is also in honor of Percy Lapid who was instrumental and bringing in the reforms in BuCor."
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.