CAMBODIA - Hindi pinalagpas ng mga Pinoy ang mga serbisyong dala ng ikalabintatlong Multi-Agency Service Mission o MASM ng Philippine Embassy sa Cambodia nitong weekend.
Si Alvin de Mesa, isang principal at labintatlong taon nang nagtatrabaho sa Cambodia, nakapagpa-renew ng kanyang driver’s license na mag-e-expire sa Agosto.
“Dati sabi nila, umuwi ka ng Pilipinas doon ka mag-renew ng lisensya mo...ang mahal ng pamasahe. Nandito na naman sila every 6 months, 5 months, pumupunta agad kami, kasi may mga announcement naman sila sa online na available na ang mga service,” sabi ni De Mesa.
May serbisyo din ang PSA, OWWA, POEA, DMW, PhilHealth, Pag-ibig at kasama na rin ang Philippine Regulation Commission.
“Ang sarap po sa pakiramdam dahil ang saya-saya nila dahil nakukuha ho nila agad ang kanilang mga IDs, agad-agad po. Pag-upo nila rito, i-aapply na nila, ang kanilang application po gagawin nila online at pagdating nila rito, i-piprint na lang ang ID….minuto lang po,” pahayag ni PRC Chairperson Atty. Charito Zamora
Isa rin sa mga pangunahing pangangailangan ng mga OFW sa Cambodia ang ma-verify ang kanilang mga employment contract. Mahalaga ito lalo na sa mga OFW na papauwi sa Pilipinas para magbakasyon. At para iwas aberya sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas, nagpa-verify na si Jovelyn Homecillo, isang senior garment technician.
“So if uuwi ka ng ‘Pinas, dapat yung papers, documents mo is same sa working permit mo para hindi ka questionin sa immigration,” ani Homecillo.
Dinumog din ang serbisyong dala ng PhilHealth.
“Ang atin pong contribution sa Philhealth, hindi lang po to for the present time, kasi this is a form of investment, investment sa future para kung ang Philhealth lumago, tuloy-tuloy ang pundo hanggang sa pagtanda natin pag tayo’y magkasakit maka-avail po tayo ng serbisyo ng Philhealth,” ani Rex Paul R. Recoter, Philhealth Senior Manager, Formal Sector mula sa Member Management Group.
Ipinagmamalaki naman ni Philippine Ambassador in Cambodia Maria Amelita Aquino ang mga manggagawang Pinoy:
“We are so proud of the Filipinos here dahil napakaganda ng reputasyon ng mga Filipinos dito sa Cambodia. I’m on my third year and whenever I meet people they even tell me ‘salamat po’ and then when I ask them ‘saan n’yo natutunan yan?’... ‘My teacher was a Filipino or my co-worker was a Filipino, I learned this from my Filipino friend.’ So I think the skill of our countrymen and our work ethics - yun bang malasakit.”
Planong ibalik ng Embahada sa twice a year ang MASM para tuloy-tuloy na mabigyang serbisyo ang mga Pilipino dito sa Cambodia.
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.