PARIS - Humantong sa marahas na protesta ang mga pagkilos ng mga kumokontra sa repormang pagtataas ng retirement age sa France.
Nababahala na rin ang mga Pinoy lalo’t apektado na ang kanilang hanapbuhay bunsod ng umiigting na krisis. Nitong Enero pa nagsimula ang malawakang general strike sa France kontra sa French Pension Reform Bill.
Pero nitong nakaraang linggo mas naging bayolente ang mga kilos protesta. Kaliwa’t kanan ang welga sa iba-iba siyudad ng bansa. Nagkagirian na rin ang mga raliyista at mga pulis.
Sinira at sinunog pa ang mga kotse. Dahil dito sarado ang ilang establisyemento at limitado ang public transport. Tambak na rin ang basura sa Paris dahil walang kumukolekta. Kaya ang siyudad na pamoso sa ganda, naging magulo at marumi.
“Sobrang baho dahil nakatambak lang dito, sa lahat ng kanto may basura. Ay, walang magawa kundi magpatuloy pa rin dahil kailangan. Masama talaga sa kalusugan ng tao. Siyempre apektado dahil ang mga mamimili ay nandidiri sa mga basura na ‘yan," sabi ni Avelino Ubaldo, nagtitinda sa Paris.
“Sa strike ‘di kami nakakarating ng trabaho, sa mga basura natatambak sa gilid-gilid, mabaho. Yung mga basura nakakatakot halimbawa ‘pag sinusunog, baka matalsikan ka at mabaho,” sabi ni Leah Boclongan, Pinay sa Paris.
“Natatakot din baka mamaya maapektuhan ka sa mga riot gaya nung Thursday, may riot kaya ingat-ingat din sa mga paglalakad, pag-uwi at pagpunta sa trabaho, dahil ‘di mo alam baka madamay ka sa kaguluhan,” sabi ni Eliza Boclongan, Pinay sa Paris.
Maging ang mga estudyante, apektado rin.
“Medyo nakaka-disappoint kasi may basura sa daan which is not good kasi nga po maraming tourists sa Paris. Sa school naman po, mahirap lalo na sa transportation, siksikan especially very rampant pa ang Covid so we still need to be very cautious,” saad ng isang Pinoy sa Paris.
Naging mitsa ng kaguluhan nang atasan ni French President Emmanuel Macron si Prime Minister Elisabeth Borne na gamitin ang special executive powers para i-bypass ang parliament.
Ginamit ni Macron ang Article 49.3 ng French constitution para maipasa ang panukalang batas ukol sa pension reform kahit hindi dumadaan sa botohan.
French President Emmanuel Macron (Marcos Brindicci, Reuters)
Ayon sa mga raliyista, malinaw na pagkitil ito sa demokrasya. Ang pagtaas daw ng retirement age ay di makatarungan at nais lamang ng gobyerno na makabawi sa pagbagsak ng ekonomiya kahit maisakripisyo ang mga mamamayan.
Dati sa edad na 62 taong gulang, maaari nang mag-retire. Ngayon pinalawig pa ito ng dalawang taon kaya 64 na ang minimum retirement age.
“Sa following generations affected sila. So sorry, lalo na yung young generation, kasi you’ll never know kung meron pa silang matatanggap na retirement benefits at the end of their career. So for me, nakakaawa sila.” saad ni Lorna Munnecom, businesswoman, Amihan Travel.
“Siyempre po apektado kami na mga estudyante lalo na in the near future, magtatrabaho na po kami, super hirap, we have to work for a very, very long time. Hindi po kami papayag sa ganitong pong sitwasyon,” sabi ni Rick Talde at Dominic Sison, Management Tourism & Hospitality Students.
Nababahala rito ang maraming Pinoy sa Paris pero mas inaalala nila ang epekto nito sa kanilang pang-araw-araw na trabaho at kita.
“Malaking perwisyo kası sa transportasyon pa lang napakahirap. Minsan ang ibang trabaho ko ‘di ko na napapasukan dahil laging strike. Isa pa, may mga anak ako dito dalawa. Minsan ‘di nakakapasok sa university, mahirap ang transportasyon. At saka ang mga basura nakatambak,”sabi ni Melvin Navarro, Pinoy sa Paris.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang ilang mga kabataang Pilipino sa France lalo na apektado ang kanilang pagbiyahe.
“Super hirap kailangan naming makipagsiksikan, puro sikip-sikip kaya it’s very complicated kaya sana ang presidente po namin ay makahanap ng solution dito sa problemang ito,” saad ni Dominic Sison, Management Tourism & Hospitality student.
Dahil sa gulo, kinansela na rin ang nakatakdang pagbisita ni King Charles III ng United Kingdom sa France pero ayon sa press release ng Elysee Palace ililipat lang ang petsas ibang araw.
Umaasa naman ang mga Pilipino na agad mareresolba ang krisis sa France.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa France, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.
KAUGNAY NA VIDEO: