TFC News

Japan nagbigay sa PH ng equipment para sa mga kabataang Pinoy gymnast

Annalyn 'Apol' Mabini | TFC News

Posted at Mar 28 2023 08:08 PM

PHILIPPINES - Nagbigay ng donasyong Japanese gymnastics equipment ang bansang Japan para sa Gymnastics Association of the Philippines o GAP noong March 17, 2023 sa ginanap na handover ceremony sa gymnastics area ng Rizal Memorial Sports Complex sa Manila. Bahagi ang donasyon ng Grassroots Cultural Grant Assistance Scheme ng Japan na may layong mapabuti ang training environment ng GAP para sa paghubog ng mga next generation gymnast na maaaring kumatawan sa Pilipinas. 

Hindi lamang para sa mga top athlete ang pasilidad kundi maging sa ibang batang gustong matuto ng gymnastics. 

Japan
Japan Cultural Grassroots Project handover ceremony sa Rizal Memorial Sports Complex, Manila, Philippines

Ayon pa sa Embahada ng Japan sa Pilipinas, kabilang sa mga lumahok sa handover ceremony sina Ambassador Koshikawa Kazuhiko, GAP President Cynthia Carrion, former President and Senior Deputy Speaker of the House of Representatives Gloria Macapagal-Arroyo, Congressman and Youth and Sports Development Committee Chairperson Faustino Michael Carlos T. DY III, world-class gymnast Carlos Yulo, Coach Kugimiya Munehiro, Philippine Sports Commission o PSC Commissioner Walter Torres, Japan Gymnastics Association Acting Sec. Gen. Nishimura Kenji, at Philippines Olympics Commission o POC Deputy Sec. Gen. Carl Sambrano. 

Binigyang halaga ni Amb. Koshikawa ang pamumuno nina GAP President Carrion at Coach Kugimiya sa pagsasakatuparan ng nasabing proyekto at nagpasalamat sa PSC sa pagbibigay ng isang bahagi ng complex para sa  grassroots gymnastics facility.  

Dagdag pa ng Embahada, patuloy ang pagsuporta ng gobyerno ng Japan para sa lalo pang ikabubuti ng sports ng Pilipinas partikular na sa paghubog ng magagaling na mga gymnast. Ang world-class gymnast na si Yulo ay sumailalim sa mentorship ni Coach Kugimiya at target ng dalawa na maging kinatawan ng Pilipinas sa 2024 Paris Olympics.