Mga hinihinalang miyembro ng ‘Laglag Barya Gang’, timbog ng bike patrol unit ng MPD sa Malate, Maynila, Marso 28, 2023. Courtesy of Manila Police District
MAYNILA - Arestado ang limang hinihinalang mga miyembro ng "Laglag-Barya Gang" matapos pagnakawan umano nila ang mga pasahero ng isang pampasaherong jeep sa Malate, Maynila nitong Martes.
Matapos biktimahin ang mga pasahero ng jeep, lumipat ang mga ito sa isang UV Express sa may kahabaan ng Taft Avenue.
Ngunit nahabol at nagawang palibutan ng mga tauhan ng Manila Police District ang sasakyan matapos magsumbong ang dalawang nabiktima.
Sa salaysay ng mga biktima, nakasabay nila ang mga suspek sa jeep, at nang mag-abot ng pamasahe ang isa sa mga suspek, sinadya nitong ihulog ang barya.
Nang tulungang pulutin ito ng isa sa mga biktima, dito na kinuha ng mga suspek ang kanilang wallet at cellphone.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na may kaso na rin ang ilan sa kanila ng pagnanakaw at nasangkot sa ilegal na droga.
Pinag-iingat naman ng mga awtoridad ang publiko sa ganitong klase ng modus lalo na ngayon na magse-Semana Santa na pwedeng samantalahin ng mga kawatan ang dagsa ng tao.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.