PatrolPH

2 umano'y scammer sa social media nahuli sa Pasig

Nico Bagsic, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2023 06:37 AM | Updated as of Mar 28 2023 01:03 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Bistado ang modus ng dalawang suspek na nagbebenta umano ng cellphone online, ngunit sa bandang huli ay hindi naman matatanggap ng buyer ang mga item na binili nito.

Sa entrapment video na kuha ng Eastern Police District Anti-Cybercrime Team (EDACT) sa Pasig City, unang naaresto ang lalaking suspek na magpapapalit ng cash mula sa bayad gamit ang digital wallet.

Nahuli rin ang kinakasama nitong babae.

Ayon sa 13-anyos na biktima, nakipagtransakyon siya sa mga suspek sa online upang bilhin ang binebentang iPhone 11 sa halagang P15,000 lamang.

Gamit ang pangalang "Mitch Nichole" sa social media, nanghingi muna umano ang mga suspek ng P2,000.

Nagtaka ang biktima kung bakit hindi pa ipinapadala sa kanya ang cellphone sa kabila ng nagpadala na ito ng P2,000, at sa halip humirit pa ang mga suspek ng karagdagan P8,000.

Dito na nagduda ang kapatid ng biktima kaya humingi na ito ng tulong sa mga awtoridad.

Ayon sa naman imbestigasyon ng EDACT, ginagamit lamang ng dalawa ang larawan at pangalang "Mitch Nichole" para mambiktima ng mga nais bumili ng kanilang produkto sa mas murang halaga.

Inaresto ang dalawa nang kuhanin nila ang pangatlong bayad na P5,000 para sa kabuuang P15,000 na halaga ng binebentang phone.

Giit naman ng babaeng suspek, pawang mga middleman lamang sila ni "Nichole" para kuhanin ang bayad.

Nahaharap sa reklamong swindling at estafa ang mga suspek.

Pinaalalahanan naman ng Eastern Police District Anti-Cybercrime Team ang publiko na mag-ingat sa pakikipagtransakyon sa social media lalo't kapag nangako ang nagbebenta na sa murang halaga mabibili ang mga gadget.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.