Mga deboto, nagtungo sa Quiapo Church isang araw bago magsimula ang ECQ sa NCR Plus

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2021 09:33 AM

MAYNILA - Kahit na sa Lunes pa ang simula ng Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at 4 na karatig-lalawigan, ipinagbawal na ang pagsisimba sa loob ng Quiapo Church ngayong araw, Linggo ng Palaspas.

Sinisita ang lahat na sumubok umupo at makinig ng misa sa loob ng simbahan.

Bago pa man inanunsyo na ilagay sa ECQ ang Greater Manila Area, na kinabibilangan ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal (o NCR Plus), nag-abiso na ang Quiapo Church na ipagpapaliban muna nila ang pisikal na misa simula Marso 22 hanggang Abril 4.

Pero bagaman pinayagan ngayong Linggo ng Palaspas na pumasok ang mga deboto sa simbahan, ito ay hindi para magsimba, kundi para lamang sa pagbendisyon ng kanilang bitbit na palaspas.

Maayos ang pila papasok ng simbahan. May sinusunod na ruta ang mga deboto - iba ang entrance at iba rin ang exit, para isang linya lang ang mga ito.

Pagkatapos ng pagbendisyon ay lalabas na ang mga tao, at bawal na ang pagtambay sa loob. 

Kahit sa labas ng simbahan, pinapaalis ang mga deboto na nakikinig ng misa sa Plaza Miranda at sa gilid ng simbahan sa Carriedo at Quezon Boulevard.

Maraming mga pulis at hijos volunteers na tumutulong magbantay at sumita sa mga taong hindi sumusunod sa mga health protocol. 

Marami sa mga deboto ang nais magpabasbas ng kanilang palaspas bilang bahagi ng tradisyon at panata. Pero naintindihan naman anila nila ang bagong restriction at patakaran ng gobyerno, lalo't dumarami na ang COVID-19 cases.

KAUGNAY NA BALITA

Watch more on iWantTFC