Outdoor drive-through antigen testing center sa Cubao, Quezon City noong Nobyembre 10, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
MAYNILA – Maglulunsad ang Office of the Vice President ng libreng antigen testing bilang tugon sa tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay Vice President Leni Robredo, tinawag na "Swab Cab" ang hakbang, na layong palakasin ang kapasidad ng mga local government unit na makapag-test ng mga tao para sa COVID-19.
Aprubado umano ng Food and Drug Administration ang antigen test kits na gagamitin, na donasyon ng pribadong sektor.
Pero handa rin umano ang OVP na magbigay ng pondo sakaling kailanganin.
Bibistahin ng "Swab Cab" ang mga lugar na may mataas na transmission at infection rate ng COVID-19.
Isasagawa ang pilot test nito sa Marso 30 hanggang Abril 6 sa Malabon.
Noong nakaraang linggo, nanawagan si Robredo na palakasin ang pag-test para sa COVID-19 sa bansa.
Nakapagtala ang Pilipinas noong Sabado ng 9,595 dagdag na kaso ng COVID-19, ang ikalawang sunod na araw na may higit 9,000 bagong kaso.
Dahil doon, umakyat sa 712,442 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan 118,122 ang active cases o may sakit pa.
Kasabay ng pagdami ng mga kaso, punuan na rin ang mga ospital sa ilang lugar habang nagkukulang ng health workers.
Nagpatupad na ang pamahalaan ng enhanced community quarantine sa Metro Manila at ilang karatig-lalawigan mula Marso 29 hanggang Abril 4 upang makontrol ang mabilis na pagkalat ng sakit.
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Office of the Vice President, Leni Robredo, antigen testing, Covid-19 testing, Swab Cab, coronavirus disease, Covid-19 surge, Malabon