Vendors bawal maglako sa mga kabahayan sa panahon ng quarantine: DILG

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2020 05:45 PM | Updated as of Mar 29 2020 12:00 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government na bawal maglagalag ang mga vendor ngayong may enhanced community quarantine.

Kasabay ito ng mga napapaulat na naglilibot na vendor sa mga bahay-bahay para makapagbenta ng mga bilihin.

Paliwanag ni DILG Secretary Eduardo Año, may mga nakatalagang lugar kung saan makakabili ng pagkain ang mga mamimili.

"Mayroon tayong na-establish , na-identify kung saan puwedeng bilhin ang pagkain. May delivery service. Doon lang tayo," ani Año sa panayam sa radyo DZMM.

Pinili ng ilang vendor sa Kamaynilaan na magbahay-bahay ng kanilang bentang gulay para kumita.

Isa rito ang vendor na si Allan Hagonoy, na sinabing nagugutom na sila mula noong hinigpitan ang galaw ng mga tao sa gitna ng enhanced community quarantine.

Hirap kasi makapamili ngayon aniya ang mga tao.

"Gutom na gutom na kami eh," paliwanag niya.

Ayon kay Hagonoy, na isang vendor sa Balintawak Market, hindi aniya sila makabenta sa mga palengke kaya mas pinili na lang nilang magbahay-bahay para ialok ang kanilang mga paninda.

"Wala na pong ganoong tao doon,” aniya.

Gayunman, nagpaplano na ang ilang ahensiya sa pangunguna ng Department of Trade and Industry na ibalik ang Diskuwento Caravan.

"This morning, nagplano-plano kami nila Undersecretary Ruth Castelo at ng DTI mancom na pinag-uusapan namin ang pag-resume nito sa bawat city para makapagplano sa pagbalik ng Diskwento Caravan,” ayon kay Año.

Sisiguraduhin din ng DILG na masusunod ang physical distancing para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Naisipan din ng ilang lokal na pamahalaan gaya ng Pasig at Valenzuela na maglibot ng "mobile stores" sa iba't ibang siyudad.

Aarangkada naman sa susunod na linggo ang ilang rolling stores sa Iloilo.

Binibisita rin ang market on wheels sa Candon, Ilocos Sur.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.