PatrolPH

Telemedicine, isinusulong bilang tulong sa komunidad habang naka-lockdown dahil sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2020 10:39 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Isinusulong ngayon ang proyektong telemedicine na magbibigay serbisyo sa komunidad habang nasa panahon ng lockdown ang kani-kanilang mga lugar dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) outbreak.

"Aim namin is to decrease 'yung pumupunta sa emergency room. May regular na doktor na puwede niyang tawagan at ma-decipher namin sino may sintomas ng COVID... PUM (person under monitoring) ba siya o PUI (person under investigation). Tapos kung PUI, saan idederetsong ospital, saan ituturo. Mostly may mga doktor na iba nasa bahay, PUM sila puwede silang tawagan," pahayag ni Dr. Benny Atienza, vice president ng Philippine Medical Association (PMA).

Ayon kay Atienza, magsasagawa sila ng pilot-testing sa bayan ng San Jose, Batangas kung saan siya ngayon ay naka home quarantine.

"Ipa-pilot namin ito sa mismong town ko sa San Jose kasi kailangan kasi may idea tayo sa nangyayari. Dapat alam natin population ng lugar, ilan doktor, ilang ang nurse," sabi niya.

Sa bayang ito na may populasyon na higit 80,000, 8 lamang ang nurse at 5 dito ay nakadeploy sa loob ng 33 barangay. May mga barangay health worker din na umiikot sa mga komunidad.

Aminado si Atienza na malaking problema ngayon ang hinaharap ng mga health worker dahil maging sila ay nagkakasakit na rin dahil sa exposure sa pasyenteng may COVID-19.

"Ang problema natin ngayon 'pag naubos frontliners natin, sino ipapalit natin? Isang malaking issue 'yan, dapat nakikipagusap na tayo sa government at DOH (Department of Health) in case magkasakit frontliner tulad ng nangyari sa district hospital namin, na-expose sila," sabi niya. 

Dahil dito, pansamantalang nakasara umano ang kanilang district hospital habang dini-disinfect.

"Itong nangyayaring ito puwedeng mag reflect sa ibang maliliit na hospital at maapektuhan 'yung ibang may sakit na hindi mo ma-admit," sabi niya.

Hinihikayat niya ang mga doktor na nasa home quarantine na makiisa at sumali sa program nang makatulong sa komunidad.

"Pakiusap ko sa mga doktor natin, hindi man sila lumalabas, alamin natin, saang community tayo naroroon, alamin natin ang sitwasyon," sabi niya.

Sabi ni Atienza na sa telemedicine, gagamitin nila ang social media kung saan may app din na may 12 mga tanong ang dapat munang sagutan ng mga magpapakonsulta bago maikonekta sa mga doktor para sa konsultasyon.

"Based doon, sasagutin na ng doktor ang mga tanong ng pasyente."

Pero may limitasyon din aniya ang telemedicine dahil di nila personal na makikita ang mga pasyente o makapag-reseta man lamang.

"Kung kailangang tingnan, sasabihin namin saan pupunta. Ang iniiwasan lang namin dito mag-reseta… ang immediate problem lang sa community, kung kailangang makita ng doktor i-rerefer sa ibang doktor," paliwanag niya.

Dagdag niya, ngayon ang panahon ng pagtulong sa komunidad kahit na naka-home quarantine ang mga doktor. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.