Simbahan inaanyayahan ang publiko na sumali sa Earth Hour

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2020 09:27 AM

MAYNILA - Nagbigay suporta ang Archdiocese of Manila sa Earth Hour, isang taunang environmental awareness event na mas makahulugan anila ngayong taon sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Inaanyayahan ang lahat na makiisa sa pagpatay ng ilaw mula alas-8:30 ng gabi hanggang alas-9:30 ng gabi ngayong Sabado.
 
Ayon kay Bishop Broderick Pabillio, Apostolic Administrator ng Archdiocese, mas ramdam ang Earth Hour ngayon dahil lahat na miyembro ng pamilya ay nasa loob ng bahay dahil sa lockdown kaya mas maganda na sumali ang mga pamilya sa pagpatay ng ilaw nang isang oras.

Dagdag pa ni Pabillo, habang malaki ang problema sa COVID-19, huwag din kalimutan ang problema sa pag-abuso sa kalikasan na mas makadaragdag kalbaryo para sa lahat.

Aniya, makakamit lang ang mas maayos at malusog na buhay kung mayroon ding malinis at malusog na planeta.

Suportado rin ng Department of Energy ang gagawing Earth Hour 2020. Ito'y isang oras na kampanya ng Worldwide Fund for Nature para sa kalikasan at para sa lahat ng tao lalo't nag-iiba na ang klima sa mundo.