Pulis pansamantalang tumitira sa tent sa labas ng bahay para sa self-quarantine

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2020 05:08 AM

Larawan mula kay Police Lt. Honey Labaro

Pansamantalang tumitira ang isang pulis sa tent sa labas ng bahay sa Bacolod City para mag-quarantine sa hangad na mapangalagaan ang kanyang pamilya laban sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Viral ngayon ang litrato ng isang police officer na kumakain sa labas ng kanilang bahay habang nasisilayan ang 9-taong gulang na anak na babae na nasa kabila ng screen door.

Makikita din ang katabing tent na inilatag ni Police Lt. Honey Labaro na kanyang pansamantalang tinutuluyan habang nasa self-quarantine.

Mahirap pero kinakailangan, 'yan ang sambit ng newly-promoted na police officer ng Bacolod City.

“I keep distance from my family because I'm afraid I may be a carrier too,” ang sabi pa ni Labaro sa kanyang post. “so PLEASE STAY AT HOME so that this pandemic will not last long. LIKE YOU, WE ALSO LOVE TO GO OUT WITH OUR FAMILY."

Limang buwan din nalayo sa kanyang pamilya si Labaro matapos mag-schooling para kanyang promotion sa Cebu City.

Nitong Marso inaasahan sana niyang sumampa sa kanilang graduation sa Iloilo City ngunit napigil dahil sa banta ng COVID-19.

Kaya agad siyang umuwi ng Bacolod para makapiling ang pamilya.

Pero sa halip na pumasok nang bahay ay minabuti ni Labaro na manatili muna sa isang tent sa labas lang kanilang bahay.

Umani ito ng papuri sa mga netizens at maging sa mga kasamahang pulis ni Labaro na dumistansya na rin muna sa kani-kanilang pamilya para mag-quarantine.

May natitirang 10 araw pa bago matapos niya ang 14-day quarantine.

Sabik na rin siya mayakap ang kanyang pamilya.

Batid ni Labaro na matapos ang kanyang quarantine ay maaari siyang ma-deploy muli bilang frontliner na babantay sa mga checkpoint sa border ng lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.