Presyo ng produktong petrolyo bababa muli sa Marso 31

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2020 05:22 PM

MAYNILA - May rollback muli sa presyo ng mga produktong petrolyo simula sa susunod na Martes, Marso 31, batay sa tantiya ng mga taga-industriya.

Maglalaro sa P1.90 hanggang P2.30 kada litro ang rollback sa presyo ng gasolina at kerosene.

Samantala, may P0.30 hanggang P0.50 rollback naman sa diesel.

Sa ngayon, nasa P2.38 kada litro na ang ibinaba sa presyo ng gasolina, P1.93 kada litro ng kerosene, at P0.56 kada litro ng diesel, batay sa tantiya sa World Market.

Pero maaaring mabago pa ito dahil hindi pa naisasama sa kuwenta ang freight, peso-dollar exchange at halaga ng biofuels na ihinahalo sa petrolyo sa Pilipinas.

Mula umpisa ng Marso, P10.10 kada litro na ang nai-rollback sa presyo ng gasolina habang P10.70 na ang nabawas sa presyo ng kada litro ng kerosene.

Lagpas P8 kada litro naman ang naibawas sa kada litro ng diesel.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.