Mahigit 200 bagong kaso ng COVID-19 naitala; kabuuang kaso sa Pilipinas 1,075 na

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2020 08:41 PM

MAYNILA - Mahigit 200 kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang naitala ngayong Sabado ng Department of Health, dahilan para umakyat sa 1075 ang bilang ng kabuuang kaso sa buong bansa.

Ito na ang pinakamaraming recorded na kaso sa isang araw, ayon sa ahensiya.

Sa huling tala ng DOH, nadagdagan ng 14 ang bilang ng mga namatay dahil sa sakit. Sa kabuuan, 68 na ang namatay dahil sa nasabing virus sa buong bansa.

Lahat ng naitalang bagong patay ay nasa edad 60 o higit pa.

Apat naman ang naitalang gumaling sa COVID-19 ngayong Sabado.

Dahil dito, aabot na sa 35 ang bilang ng mga gumaling sa sakit.

Kasama sa mga gumaling ang isang 55 anyos na lalaki sa Quezon City, isang 46 anyos na babae mula Pasig City, isang 30 anyos mula Mandaluyong City at isang 72 anyos mula San Juan City.

Una nang nabanggit ng DOH na inaasahang tataas na ang bilang ng mga maitatalang kaso ngayong naayos na umano ng ahensiya ang backlog sa bilang ng mga sinusuri para sa COVID-19.

-- May ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.