Kaso ng COVID-19 sa Bacolod City, umakyat sa 4

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2020 02:17 AM

Pumalo na sa 4 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Bacolod City nitong Biyernes.

Ang 28 anyos na lalaking anak na nagkaroon ng exposure sa kanyang 56 anyos na ama, na unang COVID-19 patient sa Western Visayas, ang isa sa mga dagdag na kumpirmadong kaso sa lungsod.

Kabilang din dito ang isang 40 anyos at 75 anyos na mga lalaki na may travel history sa Metro Manila.

Ayon kay Mayor Evelio Leonardia, ang mga pasyente ay nasa stable condition at patuloy ang recovery habang isolated sa mga ospital sa Bacolod.

Kasabay ng sinimulan na contact tracing ng Bacolod Inter-agency Task Force Against COVID-19, hinahanda na rin ng lungsod ang mga kinakailangan na food assistance para sa 40,000 pamilya na maapektuhan ng ipapatupad na enhanced community quarantine simula Lunes.

Mas istrikto ang ipapatupad na home quarantine at curfew na ang nakasaad sa executive order ng alkalde.

Bagama’t suspendido ang mass public transport, magkakaroon ng libreng bus ride para sa mga frontliners.

Huhulihin na rin ng mga pulis at mga sundalo, kasama na ng mga barangay officials at tanod, ang sinumang lalabag sa home quarantine at curfew maliban lang sa isang miyembro ng pamilya na bibigyan ng home quarantine pass.