Ilang lugar sa Mandaluyong, inilagay sa heightened community quarantine

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2020 09:34 AM

MAYNILA - Isinailalim na sa heightened community quarantine ang ilang lugar na sakop ng Barangay Hulo sa lungsod ng Mandaluyong sa gitna ng outbreak ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa Executive Order No.12 ng Office of the Mayor ng naturang lungsod, complete closure ang ipatutupad sa Saniboy Street at F. Blumentritt Street, habang partial closure naman sa Coronado Street, J. Rizal Street, Private Road at San Francisco.

Inilalagay sa heightened community quarantine kapag dumarami ang bilang ng mga persons under investigation (PUI) at persons under monitoring (PUM) sa isang lugar.
 
Mahigpit na ipatutupad ang curfew hours sa mga nabanggit na lugar at tanging ang mga may hawak ng quarantine pass lang
ang papayagang makalabas ng kanilang lugar sa mga itinakdang oras.

Hindi na rin papayagan na pumasok ang hindi residente dito at walang sasakyan ang makakadaan

Bukod sa mga tauhan ng baranggay, may mga pulis na ring nakabantay sa mga pasukan at labasan ng mga nabanggit na kalsada.

Nauna nang isinailalim sa heightened community quarantine ang ilang lugar sa Barangay Addition Hills at Barangay Mauway sa Mandaluyong noong Marso 22.

Umabot na sa 35 ang nag-positibo sa COVID-19 sa Mandaluyong habang 117 ang PUI at 409 ang PUM. Dalawang COVID-19 positive patients at apat na PUI na ang namamatay sa lungsod.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.