Guro nahaharap sa kasong inciting to sedition dahil sa Facebook post

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2020 04:24 PM

Inilagay sa hospital arrest ang isang guro na nagpost ng hinaing sa social media hinggil sa mabagal na takbo ng pamimigay ng relief goods sa General Santos City. Larawan mula sa General Santos City Police Office Station 6


GENERAL SANTOS CITY - Naka-hospital arrest ngayon sa General Santos City ang isang ang public school teacher dahil sa tinawag ng awtoridad na inciting to sedition post niya sa social media.

Ayon kay Police Major Dofiles ng Regional Anti-Cybercrime Unit o RACU12, inaresto Biyernes ng gabi ang guro matapos lumapit sa kanila ang City Legal Officer ng GenSan.

"Dumating sa office namin si Atty. Arman Clarin and to our assessment pasok siya sa anti-cybercrime mandate namin dahil sa provoking post niya na hinihimok niya ang mga tao na pumunta sa GenSan gym at kunin 'yong mga relief goods doon," pahayag ni Dofiles.

Dagdag pa ni Dofiles, inamin umano ng guro na siya ang may-ari ng social media account na nagsasabing sabay-sabay na sugurin ng mga taga-GenSan ang Lagao Gym dahil nandoon nakaimbak ang relief goods.

Kahit walang arrest warrant, inaresto ng mga pulis ang guro na dismayado sa lokal na pamahalaan dahil hindi pa nakakapamahagi ng relief goods sa mga residenteng apektado ang kabuhayan dahil sa ipinatutupad na extreme prevention on non-essential travel sa GenSan.

"It was a continuing crime. Naka-post pa rin 'yong sinabi niya na pwedeng magresulta sa unrest at looting," dagdag na pahayag ni Dofiles

Sasampahan ng kasong inciting to sedition ang guro at nakatakda itong ihain sa Lunes. Pero posibleng kasuhan din siya ng cyber libel.

"We have evidences na minura niya si Mayor [Ronnel] Rivera and the city is planning to file cyber libel against her," pahayag ni Dofiles.

Pero bukod sa guro, inaresto rin ang kaniyang anak matapos itong pumalag sa pag-aresto sa kaniyang ina. Sasampahan ang anak ng kasong obstruction of justice, disobedience to person in authority at direct assault. Tumangging magbigay ng pahayag ang anak ng guro.

Ayon naman kay Mayor Ronnel Rivera, minamadali na ang pagre-repack ng relief goods para maipamahagi na ito sa mga apektadong residente.

"We are doing our best para makapag repack tayo ng 64,000 relief goods weekly, good for 6 months. I will explain to her kung ano ang ginagawa ng city para matulungan ang ating mga kababayan dito sa GenSan," pahayag ni Rivera.

Muli namang nagpaalala ang PNP Anti-Cybercrime unit na mag-ingat sa pinopost online. 

Ngayong nasa ilalim ng state of public health emergency ang buong bansa, puwede umanong arestuhin ang sinumang nanghihimok ng public disorder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.