Pinagtulong-tulungan ng mga nurses ang paggawa ng personal protective equipment para sa mga frontliners. Larawan mula kay Adrian Pe
ILOILO CITY - Imbis na magpahinga sa kanilang break time, ginagamit ng grupo ng mga nurse ng The Medical City Iloilo ang oras sa paggawa ng personal protective equipment.
Sa paghahangad na makatulong sa kapuwa nurse at iba pang frontliners, gumagawa sila ng do it yourself protective suits.
Pinangunahan ng nurse at designer na si Adrian Pe ang paghahanap ng donors para sa mga materyales na gagamitin sa dinisenyo nitong protective suit.
Water repellent ang tela sa kanilang ginagawang protective equipment. Suportado ng hospital management ang inisyatibo ng grupo kaya pinayagan silang gumawa ng mga protective suits sa isang kuwarto ng ospital.
Sa isang araw, umaabot sa 30 na boots, face mask at apron ang nagagawa ng grupo habang sa mga hazard material suits, nakakatapos sila ng dalawa sa isang araw. Ang iba, pinapagawa na ni Pe sa kaniyang mga sastre.
Sinimulan ng grupo ang paggawa ng PPEs noong nakaraang linggo dahil kinakailangang ma-proteksyonan nila ang kanilang sarili.
Limitado na rin daw kasi ang stocks ng PPE at may kamahalan ayon kay Pe. Patuloy na bumubuhos ang suporta sa grupo at marami na rin ang nakapagbigay ng tulong pinansyal para makabili sila ng karagdagang materyales.
Plano nilang magbigay ng protective suits sa mga frontliner sa probinsya.
Umaasa silang sa munting tulong na kanilang ginagawa, makakapagbigay sila ng lakas ng loob sa lahat ng mga frontliner na patuloy na nakikipaglaban kontra COVID-19.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
nurses, PPE, Coronavirus PPE, protective personal equipment, Iloilo Coronavirus updates, COVID-19, Tagalog news, Regional news, Iloilo