Catarman isinailalim sa enhanced community quarantine dahil sa COVID-19

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2020 03:56 AM

Isinailalim ang bayan ng Catarman, Northern Samar sa enhanced community quarantine simula nitong Biyernes hanggang Abril 14 matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang residente.

Batay sa executive order ni Mayor Francisco Rosales Jr., layunin na hindi muna lumabas ng bahay ang mga residente at sumunod sa social distancing para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Magpapatupad ng quarantine checkpoint sa mga entrance at exit point ng bayan.

Suspendido rin ang pasok ng mga estudyante sa mga pribado at pampublikong paaralan.

Inaatasan din ang mga opisina ng gobyerno sa nasabing bayan na magpatupad ng work from home arrangement.

Magpapatupad din ng 24-hour curfew.

Sa pamamagitan ng home quarantine pass, isang miyembro lang ng bawat pamilya ang makakalabas ng bahay para mamili ng pagkain, gamot at marami pang iba.

Ang mga nagtitinda ng pangunahing pangangailangan ng mga residente tulad ng supermarket, bangko, clinic ay pinapayagang magbukas pero kailangang sumunod sa social distancing.

Sa ilalim ng enhanced community quarantine, bawal ang “dine-in” sa mga restaurant.

Exempted sa home quarantine ang mga frontliners kasama na ang kasapi sa task force na nakatutok sa mga hakbang laban sa COVID-19.