ALAMIN: Job assistance ng DOLE para sa displaced workers ngayong COVID-19 outbreak

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2020 03:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Dalawang linggo mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon, ramdam na ramdam na ng mga manggagawa, partikular na sa informal sector, ang kawalan ng kita.

At kung pasok dito sa nasabing sektor, maaari nang mag-aplay sa job assistance na ipinagkakaloob ng Department of Labor Employment (DOLE) na inilatag ni Labor Undersecretary Dominique Tutay sa panayam sa DZMM, tanghali ng Sabado. 

Napapaloob ito sa programang "TUPAD” (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) ng ahensiya na nagbibigay ng trabaho sa mga underemployed na workers. 

Ayon sa memorandum na inilabas ng labor department, pasok sa programa ang mga underemployed at self-employed na manggagawa na walang pinagkakakitaan dala ng quarantine. 

Sa programa, mabibigyan ng sahod ang mga papasang aplikante na bibigyang trabaho o aatasang sumama sa sanitation projects kapalit ng minimum wage na sahod sa loob ng 10 araw. 

Isasailalim din sa health at safety orientation ang mga aplikante. 

Kung nais mag-aplay, kailangang ipresenta ang mga sumusunod na papeles sa barangay: 

  •  Application letter
  •  Indvidual profile 
  •  Project proposal at work program
  • Kopya ng memorandum sa pagitan ng DOLE regional office at ng Lokal na Pamahalaan 

"Mayroon po tayong profile sheet kung saan basic information ang kakailanganin ng workers in the informal sector at ito po ay isa-submit sa kanilang barangay o kaya sa public employment service office na kinasasakupan ng kanilang lugar," ayon kay Tutay sa panayam sa programang "Headline Pilipinas" ng DZMM. 

Ayon kay Tutay, maaaring ibigay ito sa mga barangay office o kaya sa Public Service Employment Office sa siyudad kung saan nakatira. 

“Nakipag-ugnayan na po ang ating DOLE regional offices sa kanilang LGUs at sa mga barangay. Ngayon po ang mga hindi pa nagsisimula sa programang ito ang aming field office personnel kakausapin ang aming LGUs at ido-download po 'yan sa barangay para po systematized ang application na gagawin,” ani Tutay.