Visayas State University, binulabog ng bomb threat

Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2019 05:30 PM | Updated as of Mar 28 2019 05:42 PM

Hinalughog ng awtoridad ang mga gusali maging ang mga dormitoryo sa Visayas State University matapos na makatanggap ng bomb threat. Larawan mula sa VSU Media Team

BAYBAY CITY, Leyte – Suspendido pa rin ang klase sa Visayas State University hanggang Biyernes habang patuloy na nagsasagawa ng clearing operations ang awtoridad matapos na makatanggap ang paaralan ng bomb scare noong Miyerkoles ng hapon.

Sa ipinalabas na memo ng unibersidad Huwebes, inanunsiyo rito na maging ang klase at school activities sa weekend ay suspendido na rin.

 

"Campus-wide sweeping in search of possible explosives is still ongoing," dagdag ng memo.

Hindi pa natatapos ang clearing operations ng awtoridad pero ilang dormitories at buildings na rin ang ideneklarang ligtas sa bomba.

Mismong si University President Edgardo Tulin ang nakatanggap ng text message tungkol umano sa bombang sasabog.

Ipinagbigay-alam nila ito sa awtoridad at agad naman dumating ang mga pulis at Explosive and Ordnance Division upang magsagawa ng sweeping at clearing ng area.

Panawagan ng pulisya sa publiko na iwasan ang magkalat ng mga impormasyong makakapagdulot ng takot sa publiko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.